Kahapon ay ibinulgar ni Binay na maging mga patay, preso at mga nasa abroad sa Makati at San Juan ay nakapirma sa signature campaign. May mga ebidensiya anya siya na ghost signature ang nakalap na mga pirma.
Nagsampa na rin ng falsification of public documents ang kampo ni Binay sa prosecutors office laban sa election registrar ng lungsod dahil sa pagsertipika nito sa lagda ng isang taong namatay na pero nagawang makapirma sa dokumentong sumusuporta sa Cha-cha.
Ayon naman kay Sen. Richard Gordon, chairman ng Senate committee on constitutional amendments, revision of laws and codes and electoral reforms, mahalagang madinig ang mga interpretasyon ng mga constitutional experts kaugnay sa pagbalangkas nila ng batas kaugnay sa pag-amyenda sa Konstitusyon sa pamamaraan ng peoples initiative.
Pero sinabi ni Solicitor-General Eduardo Nachura na magkaiba ang kahulugan ng pag-amyenda, sa pagrebisa ng ating Saligang Batas.
Wika naman ni Sen. Franklin Drilon, ang kawalan ng enabling law para sa peoples initiative ang naging batayan ng Korte Suprema sa Santiago vs. Comelec kaya maituturing na "dead on arrival" ang isinusulong na Peoples Initiative ng Sigaw ng Bayan Movement at Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP). Siniguro naman ni Comelec chairman Benjamin Abalos na dedesisyunan nila sa linggong ito ang isinampang petisyon ng Sigaw ng Bayan.