Ayon kay JV, plano sana niyang tumakbo bilang senador sa 2007 election matapos na pumasok siya sa Top 12 sa posibleng manalong senador sa kakatapos lang na Pulse Asia Survey at dahil na rin sa pahayag ni Senator Loi na hindi na ito tatakbo bilang senador matapos ang termino nito sa taong 2007.
Subalit naunsyami ang pangarap na ito ng alkalde matapos na maglabasan sa mga pahayagan noong isang linggo na muling tatakbo si Sen. Loi matapos na kumbinsihin umano ni Sen. Jinggoy Estrada na muli itong kumandidato.
"I will give way, ayaw ko na ang political issue ang magiging cause ng problema sa pamilya namin. Magko-concentrate na muna ako bilang Mayor ng San Juan dahil may isa pa naman akong termino kaya tatapusin ko na lang muna ito," pahayag ni JV.
Si JV ay anak ni dating Pangulong Estrada kay Guia Gomez samantalang ang anak niya kay Loi na si Jinggoy ay nasa unang termino sa Senado.
Alam din naman ng publiko na may hidwaan sina JV at Jinggoy ilang taon na ang nakakaraan dahilan upang kamuntikan na itong maglaban bilang Mayor ng San Juan na napigilan lang ng kanilang ama. (Edwin Balasa)