Sinabi ni Sen. Rodolfo Biazon, chairman ng committee on civil service and government reorganization, pabor ang komite na pakuhanin ng panibagong board exam ang mga nurses matapos isang witness ang nagsabing hindi lamang ang test 3 at 5 ang mayroong leakage kundi maging ang test 1 at 2.
Aniya, padadalhan ng subpoena ng Senado ang mga opisyal ng Professional Regulatory Commission (PRC) at National Bureau of Investigation (NBI) upang dumalo ang mga ito sa ikatlong hearing ng komite sa Miyerkules.
Wika pa ni Biazon, dapat lamang papanagutin ang mga opisyal ng PRC at Board of Nursing (BON) na mapapatunayang sangkot sa "leakage" gayundin ang mga review centers na nakinabang dito.
Layunin ng komite na makabuo ng panukalang batas upang ma-regulate at makontrol ng gobyerno ang mga review centers na sinasabing P100 million business sa bansa.
Sinasabing ang nakinabang sa "leakage" ay ang Gapuz at Inress Review Center na pag-aari ng nag-resign na pangulo ng Philippine Nurses Asso. (PNA) na si George Cordero. (Rudy Andal)