Calderon hinamon sa jueteng

Hinamon kahapon ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. si PNP chief Oscar Calderon na patunayang hindi lamang cosmetic campaign ang kautusan nito sa paglaban sa panunumbalik ng jueteng operations.

Sinabi ni Sen. Pimentel, ang dapat gamiting batayan ng pulisya sa pagsasampa ng kaso ay ang Republic Act 9287 o Anti-Jueteng Law na kung saan ay mas mataas ang multa at parusa sa mga gambling lords at mga protektor nito.

Wika pa ni Pimentel, dapat patunayan ni Calderon ang kanyang banta sa kanyang mga field commanders na sisibakin ang mga ito sa kanilang puwesto kapag napatunayang may jueteng operations dahil tukoy naman ang mga lalawigan na patuloy ang nasabing illegal na sugal.

Partikular na tinukoy ng source na dapat bigyan ng mahigpit na kautusan sina PNP region 1 chief Alfredo de Vera na laganap ang sugal sa Pangasinan, PNP region 2 chief Jefferson Soriano kung saan laganap ang jueteng sa Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya at Cagayan Valley at PNP region 5 chief Victor Boco sa Camarines Norte, PNP region 4 chief Prospero Noble sa Quezon, Cavite at Batangas at PNP region 3 chief Ismael Rafanan kung saan ay may jueteng operations sa Tarlac at Zambales.

Ayon sa impormasyon, tuloy ang jueteng operations sa Pangasinan na pinatatakbo umano nina Dennis Alimagno alyas Boy Bata sa 1st at 2nd district; Luding Bonggaling sa 3rd district; Anton Lee sa 4th district; isang alyas Bebot sa 5th district at Bong Cayabyab sa 6th district. Ang national management para sa Pangasinan ay sina Boy Bata, Lito Millora at Pidong Ocampo na nagpapakilalang kaanak ni dating PNP chief Arturo Lomibao.

Sa region 2, sina alyas Danny Soriano, Mike Borja at Tony Ong sa Isabela; Boy Bata sa Quirino; Roland Villegas sa Nueva Vizcaya at alyas Danny Soriano sa Cagayan Valley.

Sa region 3 ay isang alyas Bebot Roxas ang nagpapatakbo ng jueteng sa Tarlac at isang Peping Beltran sa Zambales habang sa Region 4 ay sina alyas Federico na kaanak daw ni Gov. Arman Sanchez sa Batangas; Gani Cupcupin at Tony Ong sa Cavite at isang alyas Charing Magbuhos sa Quezon. Sa Region 5 ay sina alyas del Mundo ang nagpapa-jueteng sa Camarines Norte, Leony Lim sa Sorsogon at kaanak daw ng mga Villafuerte sa Camarines Sur. (Rudy Andal)

Show comments