Sa pinakahuling pagdinig ng Branch 31 ng Iloilo Regional Trial Court sa ilalim ni Judge Rene Hortilla, inamin ni Archie Tan, 23, na siya ay anak sa ibang babae ng kanyang pinatay na ama na si businessman Francisco "Bobby" Uygongco Tan.
Ang matandang Tan, kasama ang asawang si Cynthia Zayco at 5-taong gulang na anak na si Katherine, ay natagpuang patay sa loob ng kanilang tahanan sa MH Del Pilar St., Molo District, Iloilo, noong gabi ng Enero 9.
Si Archie at ang kapatid nitong si John Michael, 18, ang lumalabas na mga principal suspect sa pamamaslang na yumanig sa Iloilo at mga karatig lugar, batay sa magkahiwalay na imbestigasyong isinagawa ng Criminal Investigation and Detection Group at National Bureau of Investigation.
Ang biktima ang may-ari ng Crown Agro Industrial Supplies, ang pinakamalaking supplier ng mga fertilizer at iba pang gamit agrikultura sa Kabisayaan at itinuturing na isa sa pinakamayamang tao sa buong Iloilo na hindi bababa sa P500M ang kayamanan.
Sa kabilang dako, galing naman sa mayamang angkan ng mga pulitiko sa Negros Island si Cynthia at pamangkin ni Negros Occidental Vice Governor Isidro Zayco.
Matapos ang insidente, nagpetisyon sa korte si Archie na gawing administrador ng kayamanan ng kanyang ama ang kanilang lola na si Conchita Tan, tiyahin ng biktima. Ani Archie, bagaman siya ang "legal at panganay" na anak ng nasawi, mas gusto niya na sa kanyang lola Conchita na lamang ipagkatiwala ang kanilang ari-arian.
Ayon kay Atty. Antonio Zulueta na humarap sa pagdinig noong Hulyo 26, sa panig ng mga Zayco, ang ginawang pag-amin ni Archie na siya ay nagsinungaling ay labis na "nagpahina" sa karapatan nito at lola nilang si Conchita na patuloy na pamahalaan ang naiwang kayamanan ng mga biktima. (Rudy Andal)