Ayon kay Ching Vargas, executive secretary for Finance and Administration, binigyang konsiderasyon ni Pangulong Arroyo ang panawagan ng mahihirap na mamamayan na huwag namang ilayo sa kanila ang libreng pasilidad ng dialysis, x-ray at laboratoryo .
Sa sandaling malipat sa PSG Compound ang buong Malacañang Clinic mahihirapan na ang taong bayan na makakuha ng libreng serbisyo ng klinika. Tanging ang pamilya at miyembro ng PSG na lamang ang mapagsisilbihan ng clinic na dati ay napapakinabangan ng taumbayan gaya ng panahon ni dating Pangulong Estrada.
Sinabi ni Vargas na pumayag na ang Pangulo na maiwan sa kasalukuyang kinaroroonan ng Malacañang Clinic ang x-ray services, dialysis machines at laboratoryo na siyang kailangang-kailangan ng masa.
Maging ang 200 medical staff ng clinic ay naghayag din ng kanilang protesta sa paglilipat sa kanila sa PSG Compound na mas istrikto ang seguridad. Nagsuot sila ng itim bilang paghahayag ng pagtutol sa plano.
Nadismaya si Sen. Luisa "Loi" Ejercito na naging desisyon ng Malacañang na isara sa publiko ang clinic.
Sinabi pa ni Sen. Estrada na kung ililipat sa PSG compound ang dialysis machines ay kukunin niya ang mga makina na donasyon sa klinika noong panahon ni Erap para ilipat ang mga ito sa ibang ospital na mapupuntahan ng mahihirap na mamamayan.
Ayon sa senadora, sa panahon ni Erap ay sinikap niyang magkaroon ng mahigit isang dosenang operational dialysis machines na makapagsisilbi sa taumbayan ng libre dahil ang isang session ito sa ospital ay nagkakahalaga ng P3,000 na hindi kakayanin ng maralitang maysakit. (Lilia Tolentino/Rudy Andal)