CA nag-TRO sa oathtaking ng mga nurse

Pinagbawalan ng Court of Appeals (CA) ang mga nursing students na makapag-oathtaking upang pormal na makakuha ng lisensiya bilang registered nurse.

Sa 2-pahinang resolution na ipinalabas ng CA 3rd Division, inatasan nito ang board ng Professional Regulation Commission (PRC) na huwag ipatupad ang ipinalabas nitong resolution 31 na may petsang July 17, 2006 kung saan hindi na pinasasama sa pagkuha ng scores ng mga nasabing nursing students ang mga subject na nagkaroon ng leakage.

Ang temporary restraining order (TRO) ay tatagal ng 60 araw at ito ay muling didinggin sa Sept. 14, 2006. Bunga nito, kanselado ang isasagawang oathtaking ng mga nasabing nursing students sa darating na Agosto 22.

Ipinagtanggol naman ng PRC ang biglaang oathtaking ceremonies na ginawa ng ilang paaralan nitong Huwebes, Agosto 17.

Sinabi ni PRC Commissioner Avelina de la Rea na na hindi tamang parusahan ang lahat ng kumuha ng exam kung ang nagkasala lamang ay iilan.

Ang gagawin na lamang nila ay tatanggalan ng lisensiya ang mga nurses na napatunayang sangkot sa anomalya.

Nakalusot naman ang oathtaking ng mga nurses sa Cebu City at Bacolod bago nag-TRO. (Grace dela Cruz/Gemma Garcia)

Show comments