Pagkakakitaan alok ng TESDA sa mga nawalan ng trabaho sa Lebanon

Sinigurado kahapon ni Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) director general Augusto "Buboy" Syjuco na nakasisiguro na ng pagkakakitaan ang mga manggagawang nawalan ng trabaho sa pagsiklab ng kaguluhan sa Lebanon sa pagsisimula ng "supermaids" training.

Sinabi ni Syjuco na ang mga manggagawang bumalik galing Lebanon, karamihan ay domestic helpers, ay kikita na ng mas malaki kaysa sa suweldo nila sa dating amo kapag sumali sila sa libreng training para sa "supermaids" ng TESDA.

Hinimok nito ang mga OFWs na naninirahan sa Metro Manila at kalapit na probinsiya na samantalahin ang libreng training na gaganapin sa August 21 sa TESDA office, East service road, Taguig, Metro Manila.

Ayon sa dating kongresista ng Iloilo, halos 80 porsyento ng 34,000 Filipino mula sa Lebanon ay domestic helper na kumikita lamang ng P10,000 kada buwan.

"Tinitiis nila ang pagmamalupit at hindi magandang trato ng kanilang mga amo kapalit ng maliit na halagang ipadadala sa pamilya sa Pilipinas. Our workers deserve better treatment than that," pahayag nito.

Sinabi ni Syjuco na kapag nakumpleto ng trainee ang "supermaids" program at natanggap sa trabaho, kikita siya ng $400 o P20,000 kada buwan.

Idinagdag nito na malaki ang pangangailangan sa supermaids ng mga bansang Singapore at Malaysia.

Ipinagmalaki ng hepe ng TESDA ang karanasan ni Mary Jane Buñao, isa sa 65 na nakapagtapos ng pilot "supermaids" program sa Iloilo. Ayon dito, nagtatrabaho na ngayon si Buñao sa Royal Family ng Malaysia at kumikita ng $800 o P40,000 kada buwan.

Sinabi ni Syjuco na kabilang sa ituturo sa ‘’supermaids’’ training ang pagsasagawa ng first aid at CPR (cardio-pulmonary resuscitation), evacuations mula sa high-rise building kung magkaroon ng fire, pet grooming, at iba pang kakayahan na makapagpapataas ng suweldo ng mga manggagawa.

Sa mga interesado, makipag-ugnayan kay Cecil Gutierrez sa mga numerong 818-8082, 8172651 at 09216567521. (Edwin Balasa)

Show comments