Ayon sa isang opisyal ng NBI na humiling na ikubli ang pangalan, "We cannot treat this case sitting down, the deception that may have been committed by no less than some of the high officials of a government agency mocks our national security system, and places our diplomatic ties with the United States in utter jeopardy."
Nadismaya umano ang US Embassy na kahit sa gitna ng paghihigpit nito dahil na rin sa banta ng terorismo ay napeke ito nang mag-isyu ito ng visa sa isang Maria Wanesa Dy na nagpakilalang isang empleyado ng DOTC gamit ang ilang official documents ng ahensiya na pirmado pa ni DOTC Assistant Secretary Noel Cruz na lalong nagpakumbinsi sa embahada. Sinertipikahan ng NBI Signature Verification Office na authentic ang lagda ni Asec. Cruz sa certificate of employment na ipinakita ni Dy sa US Embassy.
Kasabay ni Dy na tumungong Amerika si DOTC Head Executive Assistant Romeo T. German na katulad ni Dy ay may tangan umanong pekeng travel authority upang palabasing opisyal ang kanilang biyahe. Ang airfare ng dalawa kasama na ang hotel at transportation, per diem at representation allowances at pre-travel expense na libo-libong dolyar ang halaga ay tinustusan ng DOTC gamit ang intelligence funds ng ahensiya.
Ngunit ayon kay Alona Lapasaran, chief ng DOTC HRDD na wala silang na-process na travel authority para kay German at Dy. At maging ang chief ng DOTC Personnel Division na si Antonina Benito ay nag-isyu ng sertipikasyon na walang empleyadong Maria Wanesa Dy ang departamento.