^

Bansa

Oil Spill Umabot Na Sa Negros: Coast Guard nagpasaklolo na sa Japan, Indonesia

-
Nagpasaklolo na ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mga counterpart nito sa bansang Japan at Indonesia upang labanan ang pagkalat ng pinakamalaking oil spill sa karagatan ng Guimaras matapos aminin na hindi na nila ito kayang sugpuin.

Sa pahayag ni PCG spokesman Lt. Commander Joseph Coyme, umabot na ang oil spill sa mga lungsod ng Bago, Silay at Bacolod sa isla ng Negros kahapon ng umaga.

Sinabi ni Coyme na wala pa namang natatanggap na kalatas ang Pilipinas buhat sa Indonesia at Japan Coast Guard ngunit inaasahan nila na agad na aaksiyon ang mga ito dahil sa magandang relasyon ng bansa sa mga joint projects ng mga ito sa karagatan.

Ipinag-utos na rin ni Pangulong Arroyo ang "national mobilization" ng lahat ng ahensiya ng pamahalaan upang sugpuin ang naturang oil spill kung saan malapit na itong maideklarang national calamity.

Ipinagbawal na rin ang paliligo, paglangoy, paglalaba at paglulunoy sa karagatan at ilog na kontaminado ng langis gayundin ang pagkuha ng tubig dito para inumin, ipaluto at gamiting irigasyon.

Maging ang mga hayop ay hindi rin dapat payagang maligo at uminom sa nasabing lugar.

Pansamantala ring hindi pinapayagan ang pagbebenta ng mga isda at shellfish na nakuha sa nasabing karagatan.

Mapanganib sa kalusugan ng publiko ang oil spill sa kemikal na taglay ng langis na delikado sa balat at kapag nalanghap at nainom.

Dahil naman sa pagkasira ng mga ari-arian at pagkawala ng hanapbuhay sa Guimaras island at mga parte ng Negros, ipinanukala ng PCG kay Clemente Cancio ng Sunshine Development Corp., may-ari ng lumubog na M/T Solar I, na arkilahin na lamang ang mga lokal na mangingisda sa halip na kumuha ng mga tauhan sa Maynila para magsagawa ng paglilinis sa dagat upang kumita ang mga ito.

Malaking perwisyo ang idinulot ng oil spill matapos lumubog ang M/T Solar I noong nakaraang Biyernes na naglalaman ng higit 2 milyong litro ng bunker fuel ng Petron Corp. kabilang dito ang pagkasira ng mga marine animals, coral reefs, mga bakawan at pagkalugi ng mga beach resorts sa mga isla.

Kaugnay ito, tiniyak ni PCG Commandant Arthur Gosingan na malabong maapektuhan ang Boracay island na sentro ng turismo sa Aklan dahil may 200 kilometro pa ang layo ng oil spill sa naturang isla. (Danilo Garcia/Lilia Tolentino)

CLEMENTE CANCIO

COMMANDANT ARTHUR GOSINGAN

COMMANDER JOSEPH COYME

DANILO GARCIA

GUIMARAS

JAPAN COAST GUARD

LILIA TOLENTINO

PANGULONG ARROYO

T SOLAR I

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with