Sa kanyang sinumpaang affidavit of complaint sa sala ni 3rd assistant city Prosecutor Lourdes Javelosa Indunan ng Mandaluyong City kahapon, sinabi ni Willy Yu, kinatawan ng Mega Pacific na nakakasirang puri at walang katotohanan ang mga pahayag ni Augusto Lagman, director ng ITFP na ang kontrata ng election automation ay ipinagkaloob sa kanila bago pa man ito pumasa sa isinagawang pagsusuri ng Department of Science and Technology (DoST).
Mariing inihayag ni Yu na ang mga makina ay sumailalim na sa masusing pagsusuri ng mga dalubhasa at observers sa DoST kung saan napatunayan ang 100 porsiyentong accuracy nito bago ipinagkaloob sa kanila ang kontrata.
Nakapaloob pa sa naturang affidavit of complaint bilang ebidensiya ang sulat ni Undersecretary for S and T Fortunato dela Peña kay Comelec Chairman Benjamin Abalos noong Abril 14, 2003 at isa pang liham ni DoST Secretary Estrella Alabastro kay Commissioner Resurreccion Borra noong Enero 20, 2004 na anyay naging basehan ng pagkakapanalo ng Mega Pacific sa naturang kontrata.
Una ng sinampahan ng kasong P10 milyong libelo sa Makati City Prosecutors Office ng Mega Pacific si Lagman matapos na alipustahin umano sila at akusahan na walang kakayahan ang kanilang mga ipinagbiling makina. (Angie dela Cruz)