Ang pahayag ay matapos maging matumal ang pagdagsa ng mga dumarating na OFW na boluntaryong lumilikas sa mga evacuation centers.
Kahapon, sinabi ni Conejos na 80 na lang ang nasa Miraculous Medal Parish Church na dadalhin sa Damascus, Syria mula sa dating 200 katao.
Giniit ni Conejos na hindi pa puwedeng itigil ang misyon ng Middle East Crisis Team na ilikas ang mga OFW dahil ang tigil-putukan ay nilagdaan ng Israel at Lebanon at ang labanan naman ay sa pagitan ng mga sundalong Israel at Hezbollah.
Wala anyang katiyakan na ang kasunduang ito ay irerespeto ng Hezbollah kaya ang sitwasyon sa Lebanon ay hindi pa masasabing normal na hanggang hindi nakakaalis sa Southern Lebanon ang lahat na puwersang Israeli at hanggang hindi sila napapalitan doon ng UN Peacekeeping Force.
Magugunitang ilang oras matapos ideklara ang tigil-putukan ay anim na Hezbollah ang napatay sa ginawang pag-atake ng Israelis.
Una nang nagpahayag ang Hezbollah na hindi sila titigil ng pakikidigma hanggang hindi umaalis sa kanilang teritoryo ang mga sundalong Israeli. (Lilia Tolentino At Ellen Fernando)