DOST sec. pumalag sa counting machines issue

Binuweltahan ni Department of Science and Technology (DoST) Secretary Estrella Alabastro ang mga opisyal ng Information Technology Foundation of the Philippines (ITFP) na bumatikos sa kanya kaugnay ng pinagtatalunang P1.2 bilyong poll computerization program.

Sa pulong balitaan sa tanggapan ng DOST sa Makati City, sinabi ni Alabastro na pawang kasinungalingan ang inihayag nina Augusto Lagman at Maricor Akol, kapwa opisyal ng ITFP sa isang programa sa radio na naglabas siya ng opisyal na pahayag na nagpapatunay na hindi pumasa sa accuracy test ang automated counting machines (ACMs) ng Mega Pacific Consortium.

Sinabi ni Alabastro na kailanman ay wala siyang sinabi na bumagsak sa accuracy test ang naturang mga ACMs nang suriin ng kanilang tanggapan ang kakayahan ng mga makina dahil magiging taliwas ito sa kanilang opisyal na ulat sa tanggapan ng Ombudsman na nagpapatunay na pumasa ito sa kanilang ginawang pagsusuri.Nagtataka ang kalihim kung bakit nakapagsalita ng lihis sa katotohanan si Lagman gayung hindi ito dumadalo sa mga pagdinig sa Ombudsman sa kabila ng ipinadadalang imbitasyon sa kanya.Binigyang diin pa ni Alabastro na sa halip na idaan sa media ang mga batikos sa kanya, mas mabuting dumalo na lamang ang mga petitioners sa isinasagawang imbestigasyon ng Ombudsman. (Angie dela Cruz)

Show comments