Batay sa 6-pahinang resolusyon ng Supreme Court en banc, pinal na ang desisyon ng Mataas na Hukuman na alisin bilang hukom si Malabon Regional Trial Court Judge Florentino V. Floro at hindi na maari pang mabaligtad matapos hindi makakita ng sapat na batayan sa mga inihaing argumento.
Ibinasura rin ng SC ang inihaing partial motions for reconsideration at supplements, na pawang wala umanong merito. Hindi na rin tatanggap ang mataas na hukuman ng anumang pleadings mula kay Floro kaugnay sa kaso.
Sa rekord, Hunyo 30, 2006 nang maghain pa ng Verified Third Supplement si Judge Floro, na humihiling na siyay maibalik sa serbisyo at makakuha ng back wages at iba pang benepisyo.
Nilinaw ng SC na kahit may paniniwala sa mga dwende ang nasabing hukom, napatunayan din sa isinagawang pagsusuri at rekomendasyon ng mga psychiatrist na may diperensiya ito o mental unfitness sa pagiging hukom. (Grace Amargo-dela Cruz)