Nabatid na naglalatag na ng mga hakbang ang Department of Foreign Affairs (DFA) kung ipagpapatuloy ang isinasagawang pagpapauwi sa mga Pinoy, itoy matapos umanong ihayag ni Sen. Juan Ponce Enrile na hindi praktikal ang pagpapauwi sa lahat ng OFW sa Lebanon dahil hindi naman umano apektado ng giyera ang buong teritoryo.
Para kay Sen. Enrile, isa umanong malaking pagsasayang sa pera, pagod at panahon ang "full evacuation" dahil kapag tumahimik na uli sa naturang lugar ay babalik na naman ang mga kababayan nating Filipino, kaya sayang lang ang ginastos at gagastusin pa ng pamahalaan para sa kanilang evacuation.
Kamakalawa ay inihayag ng Palasyo na tuloy ang paglilikas sa mga OFWs sa Lebanon at sasamantalahin nito ang "ceasefire."
Simula na ngayong araw ang pagpapairal ng tigil-putukan kasunod ng pagpapatibay sa "unanimous resolution" ng United Nations Security Council para sa peace deal ng Lebanon at Israel.
Kasama sa Resolution 1701 ang panawagan sa Israel na iatras ang kanilang tropa na nasa Southern Lebanon at ang paglalagay ng may 15,000 UN peacekeepers upang tumulong sa pagpapanumbalik ng kaayusan at katahimikan sa katimugang bahagi ng Lebanon na tinangkang kubkubin ng Israelis.
Inutos din sa Israel troops na lisanin ang southern Lebanon matapos mailatag ang tigil-putukan.
Subalit ilang oras bago mapagtibay ang resolusyon, nagsagawa ng pagsalakay ang Israeli troops sa Southern Lebanon nitong Sabado kung saan sinasabing umabot sa 19 Israeli soldier ang nalagas at mahigit 70 ang sugatan.
Sa tala ng UN, mahigit 800 na ang namatay sa mahigit isang buwang giyera ng dalawang bansa.
Nagbabala naman ang Amerika sa Iran at Syria, na mga backer umano ng Hezbollah, na irespeto ang resolusyon na inaasahang magreresulta ng "lasting peace" sa pagitan ng Israel at Lebanon.
Inaasahan ng Israel government na pakakawalan na ng mga Lebanese ang dalawa nilang sundalo na dinakip ng Hezbollah noong Hulyo 12 na sanhi ng madugong giyera. (Ellen Fernando)