Bangkay ng 2 Pinay sa Lebanon maiuuwi na

Inihayag kahapon ni Philippine Ambassador to Beirut Al Francis Bichara na sasamantalahin nila ang ipinatutupad na ‘ceasefire’ ng mga sundalo ng Israel at militanteng Hezbollah para maiuwi sa bansa ang bangkay ng dalawang Pinay na nasawi sa Lebanon.

Sa ulat na ipinarating kahapon sa Department of Foreign Affairs (DFA) ni Bichara, sinasabing ‘within this week’ ay maari ng maipauwi sa bansa ang mga labi nina Mary Jane Pangilinan at Michelle Tomagan na kapwa namatay sa Lebanon makaraang tumalon sa gusali para takasan ang kanilang malupit na amo.

Inamin ni Bichara na natagalan ang pagpapauwi sa bangkay ng dalawa dahil kinumpleto pa ng mga awtoridad sa Lebanon ang imbestigasyon sa pagkamatay nina Pangilinan at Tomagan.

Kinumpirma ni Bichara na ang pagnanais makauwi sa bansa ng dalawang biktima noong pumutok ang giyera sa Lebanon ang dahilan kaya naisipang tumakas sa pamamagitan ng pagdaan sa bintana mula sa ika-limang palapag na gusali gamit ang pinagdugtong-dugtong na kumot subalit minalas na mahulog.

Sinasabing Agosto 1 noong makitang wala ng buhay si Pangilinan habang Agosto 2 ng matagpuan ang lasog-lasog na katawan ni Tomagan sa gusaling kanilang tinitirahan, malapit sa Beirut International Airport na siyang unang tinarget ng bomba ng grupo ng Israeli forces.

Ayon pa kay Bichara, magandang inidikasyon para sa kanila ang ipinatutupad na tigil-putukan ng magkabilang grupo para mailikas ang lahat ng OFW sa Lebanon.

Una dito ay umapela sa DFA ang mga magulang, kapatid at kamag-anakan nina Pangilinan at Tomagan na iuwi na ang bangkay ng mga ito para mabigyan ng disenteng burol at libing. (Mer Layson)

Show comments