Ayon sa report, in-adopt na kahapon ng hapon ng UN Security Council ang resolution nang pagkakaroon ng "full cessation" o pagtigil ng karahasan sa pagitan ng Israel at Lebanon at nag-alok ng magandang layunin para sa katahimikan at kaayusan sa katimugang Lebanon.
Sinabi ni UN Sec. General Kofi Annan na agad niyang ipatatawag at kakausapin ang mga kinatawan ng Israel at Lebanon upang itakda ang araw ng ceasefire o tigil-putukan,
Nakapaloob sa resolusyon ang pagbibigay ng awtorisasyon sa may 15,000 UN peacekeepers o UNIFIL upang tumulong sa Lebanese troops para i-kontrol at tuluyang sakupin ang lugar na inookupa ng Israeli forces sa Southern Lebanon.
Sa kasaysayan, simula noong 1978 ay naglagay na ng 2,000 UN peacekeepers sa Lebanon at ngayoy aakyat sa 15,000. Ilan sa mga kasapi sa UNIFIL ay mga sundalong Pinoy na ipinadala ng gobyerno para sa humanitarian mission sa Gitnang Silangan.
Inamin ni Annan na maraming lider sa buong mundo ang nadismaya sa kabagalan ng UN Security Council sa pag-aksiyon sa usapin sa giyera ng dalawang bansa na ikinasawi na ng mahigit 800 katao.
Tumagal ang pagpapalabas ng resolusyon matapos umapela at umangal ang Lebanon sa unang draft na mananatili ang puwersa ng Israel sa Southern Lebanon kahit may idineklarang ceasefire. (Ellen Fernando)