Sa botong 54-24, ibinasura ng komite ang 7 impeachment complaint na isinampa ng ibat ibang grupo dahil pasok ito sa 1 year ban o pagbabawal na sampahan ng panibagong reklamo si Pangulong Arroyo hanggat hindi pa natatapos ang isang taon mula nang sampahan ito ng impeachment complaint.
Ipinaliwanag ni Albay Rep. Edcel Lagman, nagsimula ang 1 year ban noong Hulyo 26, 2005 ng alas-4:20 ng hapon kung kailan nai-refer sa House committee on justice ang reklamo ni Atty. Oliver Lozano kaya magtatapos ito ng July 26, 2006 ng alas-4:20 hapon.
Ang ikinunsidera lamang ng komite ay ang ika-8 impeachment complaint na inihain ng Black and White Movement na ininderso ni Tarlac Rep. Noynoy Aquino.
Iginiit ni House Minority Leader Francis Escudero na isama bilang complainants ang pitong naunang naghain ng reklamo pero hindi pumayag ang mayorya sa amyenda dahil na rin sa umiiral na rules.
Pagdedebatihan ngayon ng komite kung tama sa porma ang pang-walong impeachment complaint.
Nagkainitan naman sina Lanao del Sur Rep. Benasing Macarambon at Agusan del Sur Rep. Rodolfo Plaza matapos patungkulan nitong dapat mag-inhibit sa komite ang mga sangkot na naging recipient ng fertilizer fund. (Malou Escudero)