Kasunod ng rekomendasyon ng Joint Congressional Power Commission (JCPC) na kanselahin ang kontrata sa pagbebenta ng Masinloc coal-fired plant sa Zambales, sinabi ni Sen. Pimentel na dapat makulong ang mga opisyal ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corp. (PSALM) na anyay nambaboy sa public bidding.
Sinabi ni Pimentel, miyembro ng JCPC, hindi patas ang gobyerno kung pagkansela lamang sa kontrata ng YNN Pacific Consortium ang magiging kaparusahan lalo pat maraming taga-PSALM ang kumita dito.
Bagamat kanselado na ang kontrata ng YNN-Ranhill Berhad Power Corporation ay tuloy pa rin ang imbestigasyon ng Senado hinggil sa kuwestyonableng bidding na dapat panagutan ng mga taga-PSALM.
Maliban sa pagkumpiska sa $14.1 milyong bond na inilagak ni Mr. Sunny Sun, may-ari ng YNN Pacific, kailangang kasuhan at makulong ang mga opisyal ng PSALM na bumaboy, sa bidding at nagpartihan sa P10 milyong bonus.
Hindi naman tinukoy ni Pimentel kung sinong opisyal ng Arroyo government ang dapat kasuhan kaugnay sa maanomalyang Masinloc deal na mula sa Department of Energy at Department of Finance.
Magugunita na kinansela ng Kongreso ang bentahan ng Masinloc power plant sa YNN-Ranhill Berhad sa isinagawang pagdinig ng JCPC.
Nilinaw naman ni Finance Secretary Gary Teves sa pagharap nito sa imbestigasyon ng JCPC na hindi extension sa pagbabayad ng downpayment ang ibinigay nila sa YNN kundi "winding down period" kung saan Agosto 6 magkakabisa ang termination ng contract kapag nabigo silang magbayad ng $227 milyong downpayment.
Inaasahan naman ni Pimentel na magkakaroon ng malinis at panibagong bidding process ang PSALM para sa 600-megawatt Masinloc power plant.
Inirekomenda naman nina Sen. Miriam Defensor-Santiago at Sen. Joker Arroyo na huwag nang isama sa listahan ang may-ari ng YNN sa sandaling magkaroon ng re-bidding para sa nasabing power plant.
Natuklasan ni Sen. Arroyo sa Securities and Exchange Commission (SEC) na bagong kumpanya lamang ang YNN at mayroon lamang itong P800,000 paid-up capital kaya nakakapagtaka na nakuha nito ang $526 milyong bid price para sa Masinloc. (Rudy Andal)