GMA dismayado sa pagkamatay ng 2 OFW's

Nadismaya si Pangulong Arroyo sa pagkamatay ng dalawang OFW’s dahil sa pagsisikap na makatakas mula sa kanilang amo at makapunta sa evacuation center ng Philippine embassy sa Lebanon.

Inatasan ng Pangulo ang crisis team na nangangasiwa sa paglilikas ng mga OFW’s sa Lebanon na gumawa ng hakbang para mapangalagaan ang karapatan ng mga Pinoy sa nasabing bansa.

Nagpalabas din ng direktiba ang Task Force Lebanon sa pamumuno ni Vice-President Noli de Castro na seguruhin ang kaligtasan ng ating mga OFW’s sa Lebanon at bigyan ng atensyon ang mga tawag ng mga ito na nagnanais mailikas pero ayaw payagan ng mga among Lebanese.

Pinayuhan naman ng Task Force Lebanon ang ating mga OFW’s na huwag gagawa ng hakbang na ikapapahamak nila tulad ng sinapit nina Mary Jane Pangilinan at Michelle Tanogan ng tumalon mula sa ikaapat na palapag ng kanilang apartment upang takasan ang kanilang amo.

Iginiit naman ni House Deputy Majority Leader Antonio Cerilles na upang hindi na maulit ang pangyayaring ito ay humingi tayo ng diplomatikong tulong sa Lebanese government para pakiusapan ang mga Lebanese employers ng ating OFW na payagan ang mga ito na makauwi sa bansa dahil sa kaguluhan doon kahit hindi pa tapos ang kanilang kontrata.

Magugunita na iniutos na ni PGMA ang mass evacuation ng ating 30,000 OFW’s sa Lebanon dahil sa lalong pagtindi ng kaguluhan doon bunga ng giyera sa pagitan ng Israeli forces at Hezbollah troops. (Malou Escudero At Lilia Tolentino)

Show comments