Government execs ‘no-show’ sa Senado

Inisnab kahapon ng mga opisyal ng gobyerno ang imbestigasyon ng Senado hinggil sa umano’y kawalan ng pondo ng gobyerno sa ginagawang repatriation at evacuation sa may 30,000 OFW’s na nasa Lebanon.

Isang liham ang ipinadala ni Executive Secretary Eduardo Ermita kay Sen. Jinggoy Estrada, chairman ng senate committee on labor and employment, kung saan ay humihingi ito ng paumanhin sa hindi pagdalo ng mga inimbitahang government officials sa nasabing pagdinig dahil sa kaabalahan ng mga ito sa ginagawang repatriation at evacuation sa mga OFW’s na nasa gitna ng labanan sa Lebanon.

Bukod dito, sabi pa ni Ermita, abala ang mga concerned government officials tulad ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Foreign Affairs (DFA) sa pag-aasikaso sa ginagawang repatriation ng ating mga OFW’s sa Lebanon.

Sinabi naman ni Labor Secretary Arturo Brion na magpupulong ang OWWA board sa Biyernes upang pagtibayin ang alokasyong $5 milyon para sa standby fund ng gobyerno para sa paglilikas ng mga OFW’s sa Lebanon. 

Nilinaw naman ni Ambassador to Lebanon Al Francis Bichara sa isang telephone conference sa senate inquiry na kahapon lamang nagpadala ng $150,000 ang Department of Foreign Affairs (DFA) para magamit ng embahada sa evacuation at repatriation ng mga OFW’s sa Lebanon. (Rudy Andal/Lilia Tolentino/Ellen Fernando)

Show comments