Mga taong kalye sa Caloocan wawalisin

Ipinag-utos ni Caloocan City Mayor Enrico "Recom" Echiverri ang pagpapaigting sa programa para tuluyan nang maialis sa kalye ang mga taong lumalaboy at naninirahan sa kalsada at gawin silang produktibong miyembro ng komunidad.

Binigyang-diin ni Echiverri ang pagpapatupad sa City Task Force Sagip Kalinga at inatasang gumawa ng mga plano, programa, polisiya at panuntunan para sa tuluy-tuloy, malalim at sama-samang gawain para sa mga palaboy sa kalye.

Sinabi nito na ang dumaraming bilang ng mga palaboy, pulubi, namamalimos at batang kalye sa ilalim ng impluwensiya ng droga at bawal na gamot gayundin ang mga miyembro ng katutubo na ginawa nang kanilang tahanan at pagkakakitaan ang kalye, palengke, gilid ng department stores at iba pang pampublikong lugar ay kinakailangang alamin at solusyunan.

Idinagdag pa nito na ang pagdami ng kanilang bilang sa kalye at pampublikong lugar ay karaniwang nagdudulot ng krimen, problema sa trapiko at naghaharap sa mga palaboy sa masamang kalusugan at patuloy na pagbaba ng kanilang moralidad.

Pangungunahan ni Echiverri ang task force bilang chairman nito.

Ang opisina ng alkalde ang magbibigay ng direksyon sa task force, gayundin ang suportang administratibo at pinansiyal sa pagpapatupad ng mga programa at proyekto.

Inatasan ni Echiverri ang City Social Welfare Department (CSWD) na alamin ang dami ng mga palaboy sa lungsod; magsagawa ng programa at proyekto para sa rehabilitasyon at re-integrasyon ng mga ito; pamunuan ang staging/processing centers para sa mga mare-rescue; pangunahan ang aktuwal na rescue operation.

Habang ang Caloocan City Police at RDPSTM ay inatasan na magkaloob ng seguridad sa mga rescue teams at mga masasagip; samahan ang mga masasagip sa mga staging/processing centers at magpanatili ng kaayusan at kapayapaan sa processing center.

Inatasan din ang mga barangay na magsagawa ng pagmamanman at pagmomonitor sa kanilang lugar sa pagkalat ng mga palaboy at tumulong sa mga operasyon.

Show comments