Road widening project binitin ni Sen. Lapid

Sinisi kahapon ng mga taga-Central Luzon si Sen. Lito Lapid sa pagkakabinbin ng Gapan-San Fernando -Olongapo road widening and rehabilitation  project.

Ito ay matapos na mabatid na nagla-lobby umano si Lapid  upang ang may  P30 milyong Dinalupihan road widening project ay ilipat o ilaan na lamang sa kanyang ‘pet’ project sa Pampanga.

Si Lapid na napaulat na planong tumakbo sa Makati bilang alkalde  ay lumiham  kay  Bases Conversion Development Authority (BCDA) chairman Narciso Abaya  noong Marso 23  at iginigiit nito na mabigyan ng pondo ang kanyang ‘pet’ project, ang Macabebe-Masantol Road sa kabila ng kawalan ng board resolution mula sa BCDA.

Nauna rito, inaprubahan ng BCDA board  ang resolusyon  na naglalaan ng P30 milyong  pondo para sa pagpapalawak ng Dinalupihan section ng GSO Road sa pakikipagtulungan  na rin ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Layunin ng nasabing proyekto ay upang matugunan ang  traffic situation sa nasabing lugar kasunod na rin ng konstruksyon ng Subic-Clark-Tarlac Expressway project ng kasalukuyang gobyerno.

Sa kabila nito, umapela naman ang mga residente sa Bataan kay DPWH Regional Director Ramon Aquino na igalang ang BCDA board resolution para sa naturang proyekto alinsunod na rin sa memorandum of agreement sa pagitan ng BCDA at DPWH. (Rudy Andal )

Show comments