Oath-taking ng mga bagong nurse naudlot

Hindi matutuloy ang nakatakdang oath-taking ng mga bagong nurse na pumasa sa ibinigay na pagsusulit dito ng Professional Regulatory Board (PRC) dahil sa pagkakaroon ng leakage sa naturang examination.

Ayon kay Eufemia Octaviano, chairman ng PRC’s board of nursing, hindi muna itutuloy ang nakatakdang oath-taking ng mga bagong nurse sa Agosto 22 matapos siyang makipagpulong sa mga deans ng College of Nursing ng University of the Philippines, University of the East at University of Santo Tomas.

Ito ay upang mabigyan ng panahon ang isinasagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa umano’y ‘leakage’ ng mga tanong sa nakaraang nursing board exam.

Nilinaw naman ng PRC na matapos ang resulta ng imbestigasyon at konsultasyon ay saka na lamang sila magtatakda muli ng petsa para sa oath-taking ng mga pumasang nurse.

Umabot sa 17,871 ang pumasang nurse sa nakaraang nursing board examination na sinasabing nagkaroon ng ‘leakage’. (Gemma Garcia)

Show comments