Sinabi ni Sen. Santiago, chair ng senate committee on energy, sisimulan na rin ng kanyang komite ang imbestigasyon hinggil sa maanomalyang kontratang ito ng YNN bukas upang malaman kung sino-sino ang nakinabang sa nasabing deal makaraang kunsintihin ang Ranhill Berhad Power Corporation ng Malaysia.
Ayon kay Santiago, malaki ang kanyang paniniwala na mayroong kinalaman sa nasabing YNN deal si dating Pangulong Ramos kaya patuloy itong kinakanlong ng ilang opisyal sa Malacañang sa kabila ng pagkabigo ng nasabing kumpanya na matupad ang ibinigay na palugit upang mabayaran ang $227 milyon para sa Masinloc plant deal.
Bukod dito, winika pa ng mambabatas na chair din ng Congressional Power Commission (Powercom) na pipigain din nila ang mga opisyales ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM) sa pagkakaloob ng P10 milyong performance bonus para sa kanilang mga sarili.
Nakansela ang public hearing ng Powercom na pinamumunuan ni Santiago nitong Martes dahil sa biglang pag-alis ni Energy Secretary Raphael Lotilla na nagtungo sa Vietnam upang makaiwas sa kontrobersyal na YNN Pacific deal sa Masinloc plant. (Rudy Andal)