Ayon kay Executive Secretary Eduardo Ermita, pinag-aralan na ng mga abogado ng gobyero kung anong mga kaso ang posibleng isampa laban kay Novaliches Bishop Antonio Tobias sa pahayag nito na ilang araw niyang kinupkop ang itinuturing na "enemies of the state" sa kasagsagan nang pagtatago nila sa batas.
Naniniwala si Ermita na ang ginawa ni Tobias ay sarili nitong diskarte at hindi sumasalamin sa sentimyento ng mayorya ng mga obispo sa bansa.
Kumpiyansa si Ermita na hindi makikialam ang simbahang Katoliko partikular ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa isinasagawang imbestigasyon ng awtoridad sa pagkakasangkot ni Tobias sa destabilisasyon bagkus ay hahayaan ng mga itong umiral ang batas.
Kung malinis aniya ang hangarin ni Tobias at hindi ang makialam, sanay inabisuhan niya ang awtoridad hinggil sa presensiya ng Magdalo soldiers sa kanyang bahay sa halip na kupkupin ang mga ito.
Maliban kay Tobias, target din ng Department of Justice (DOJ) sina Archbishop Oscar Cruz, Bishops Deogracias Iniguez, Teodoro Bacani Julio Labayen at maging si CBCP president at Jaro, Iloilo Archbishop Angel Lagdameo.
Itoy kasunod ng pagbubunyag ng dalawang bumaligtad na jueteng witness na sina Richard Garcia at Abe Riva na sangkot ang mga nabanggit na obispo sa bigong Peb. 24 coup.
Bukod sa mga obispo, lumutang rin ang pagkakasangkot ni opposition Sen. Panfilo Lacson. (Lilia Tolentino/Gemma Garcia/Ludy Bermudo)