Isang maanomalyang sikretong pulong ang gaganapin ngayon ng mga kinatawan ng MERALCO at ng Malaysian firm na YNN-Ranhill para igisa ang bansa sa sariling mantika sa ibinebentang 600-megawatt coal-fired power plant sa Zambales.
Ayon sa mapananaligang impormante, "lulutuin" sa sikretong usapan ang kontrobersyal na transition supply contract (TSC) ng Meralco at YNN/Ranhill upang magamit ito ng huli sa pag-utang ng pera sa mga bangko sa Singapore.
Ang mauutang ay ipambabayad sa binibiling planta na malaki ang naitutulong para manatiling mababa ang halaga ng kuryente. Tutol ang maraming sektor sa bentahan dahil sa ilang paglabag ng YNN consortium, isang dummy ng kompanyang Malaysian.
Nauna nang pinawalang-bisa ng pamahalaan ang $14 milyon performance bond ng YNN dahil dito pero matapos sumulat diumano ang Prime Minister ng Malaysia, Abdullah Badawi kay Presidente Arroyo, pinalugitan pa ng isang buwan (hanggang Agosto 6) ang YNN para mabayaran ang $227 downpayment o 40 porsyento ng kabuuang halagang $561 milyon, sa halip na gumawa ng bagong bidding.
Kinukuwestyon ng mga mambabatas at maraming sektor ang labis na pagpaparaya ng pamahalaan sa naturang dayuhang kompanya.
Ayon pa sa source, pinipilit ng dalawang grupo na matapos na ang kasunduan sa TSC para sa supply ng electricity bago pa matapos ang deadline sa Agosto 6. Ang miting ay nababalutan ng misteryo dahil hindi lamang ito isang sikretong pagpupulong upang isapinal ang mga nakasaad sa draft na kontrata kundi wala pa itong public accountability at transparency.
Ayon sa mga industry sources ay isang malaking dagok sa kredibilidad ng Meralco kapag itinuloy nila ang pulong at kontrata.
Sa pulong ngayon, ihahain ng YNN ang provision na nakasaad sa kanilang talking points para bayaran kahit ang hindi nakokonsumong kuryente o "take-or-pay" na siya ring naging dahilan kung bakit nabaon sa utang ang Meralco sa Napocor na umabot sa P20 bilyon.
Ayon pa sa source, kaduda-duda kung bakit ang Meralco pa ang naghahain sa Energy Regulatory Commission (ERC) ng mga petisyon kapag gusto ng pinakamalaking distribution utility sa bansa na magtaas ng singil sa kuryente o kaya ay magkaroon ng TSC sa isang power generation plant para mayroong transparency at accountability ang nasabing kumpanya. (Edwin Balasa)