Itoy kasunod ng natanggap na ulat na may grupong balak itong "patahimikin" upang hindi na makabalik sa Pilipinas.
Ayon kay House Minority Leader Francis Escudero, nakatanggap sila ng impormasyon na humihingi na ng political asylum si Bolante dahil ayaw na nitong bumalik sa bansa kung saan naghihintay sa kanya ang arrest warrant na ipinalabas ng Senado.
Bandang ala-una ng madaling araw (oras sa Pilipinas) kahapon ay naghain na si Bolante ng kanyang request na makakuha ng asylum, isang legal na paraan upang proteksyunan at kupkupin siya ng gobyernong US.
Gayunman, ang political asylum ay ibinibigay lamang sa sinumang dayuhan na nasa ibang bansa na nahaharap sa anumang panggigipit at pananakot ng gobyerno.
Ipinaliwanag naman ni Escudero na kung simpleng Immigration Law lamang ng Amerika ang nilabag ni Bolante ay maaari itong ideport sa pinanggalingang bansa, pero kung may panloloko o fraud na kasama, may haharapin pa itong pagkakakulong bago mai-deport.
Pero aminado si Escudero na malaki ang maitutulong ni Bolante sa pagsusulong ng impeachment complaint laban kay Pangulong Arroyo lalo na kung nakahanda itong magsabi ng katotohanan at hindi pagtatakpan ang administrasyon.
Naniniwala si Escudero na posibleng bumaligtad si Bolante at ipagkanulo ang administrasyon sakaling pabayaan siya at hindi tulungan ng pamahalaan sa kinakaharap nitong problema sa Amerika.
Gayunman, nagbabala si Escudero na hindi dapat tulungan ng gobyerno si Bolante dahil pagpapakita ito ng "double standard" dahil hindi naman aniya lahat ng Pinoy na nakulong sa Amerika ay tinulungan ng gobyerno.
Kasabay nito, umapela si Sen. Ramon Magsaysay Jr. kay US Ambassador Kristie Kenney upang hingin ang kumpletong impormasyon kung bakit inaresto si Bolante.
Una rito ay nagpahiwatig ang Malacañang na hindi nila tutulungan si Bolante at itinuro ang Department of Foreign Affairs (DFA) na siyang nagbibigay ng legal assistance sa mga Pinoy na nagkakaproblema sa ibang bansa.
Pinabulaanan din ng Palasyo na humingi ang dating opisyal ng tulong para sa pagbabayad ng kayang $100,000 piyansa kapalit ng pansamantalang kalayaan. Kailangan din ni Bolante na umupa ng abogado na nagkakahalaga ng $30,500 para magtanggol sa kanya.
Si Bolante ay inaresto sa Los Angeles airport noong Hulyo 7 dahil sa kanseladong visa at nakakulong ito ngayon sa San Pedro detention center sa LA.