Sa isang panayam, sinabi ni MMDA General Manager Robert Nacianceno na wala silang kautusan o anumang direktiba na nag-uutos na manghuli ng mga sasakyan na may roof ads.
Binanggit ni Nacianceno na inaalam nga nila kung sino sa hanay ng MMDA enforcers ang nanghuhuli nito o ang mga taong gumagamit sa MMDA na wala namang otorisasyon sa ahensiya.
Iniimbestigahan na rin anya ng MMDA ang ilang indibidwal na gumagamit sa ahensiya para lamang makapanghuli ng mga motorista.
"Wala kaming ginagawang pagkilos laban diyan at wala din kaming memorandum tungkol diyan kaya di kami nanghuhuli sa roof ads," pahayag ni Nacianceno.
Sa kanyang panig, sinabi naman ni Boardmember Gerardo Pinili ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) na isinasapinal na ng ahensiya ang IRR o Internal Rules and Regulations ng ahensiya para sa roof ads placement.
"Inaayos pa sa ngayon ng LTFRB ang IRR diyan para malaman kung gaano kalaki ang ads at tamang size niyan," pahayag ni Pinili.
Layunin ng hakbang na maitama ang sinisingil na bayarin ng LTFRB sa mga kumpanyang maglalagay ng kanilang anunsiyo sa mga pampasaherong sasakyan sa bansa. (Angie dela Cruz)