Alas-11 kahapon ng umaga ay inanunsiyo ni DepEd chief ng NCR Director Teresita Domalanta ang suspensiyon ng klase sa elementary at high school levels sa Metro Manila. Agad namang sinundan ni CHED Director Amelia Biglete at sinuspinde rin ang klase sa kolehiyo.
Itinigil din ang klase sa Regions 1,3,4,5,6 at National Capital Region (NCR) bunsod sa pagbaha na dulot ng sama ng panahon.
Kasunod nito ang pagsusupinde rin ng Malacañang sa operasyon ng mga tanggapan ng pamahalaan sa Regions 1, 2, 3, 4, 6 Cordillera Autnomous Region at NCR.
Sa latest report ng PAGASA, ang sentro ng bagyo ay namataan sa layong 350 kilometro ng silangan hilagang silangan ng Basco, Batanes taglay ang pinakamalakas na hanging 120 kilometro bawat oras na may pagbugso hanggang 140 kilometro.
Ang bagyo ay inaasahang lalabas na ng bansa ngayong araw papuntang Taiwan pero, makakaranas pa rin ng mga pag-uulan ang mga lugar sa bansa partikular ang Metro Manila dahil sa epekto ng habagat kay Florita.
Signal number 3 sa Batanes group of Islands at Calayan Group of Islands, signal number 2 sa nalalabing bahagi ng Cagayan, Apayao at Ilocos Norte at signal number 1 sa Isabela, Ifugao, Mt. Province, Kalinga, Abra, Ilocos Sur, Benguet at La Union. (Edwin Balasa/Lilia Tolentino/Angie dela Cruz)