Ayon kay Sr. Supt. Asher Dolina, chief ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group-NCR, bumaligtad si 1st Lt. Patricio Bumidang Jr. at ikinanta na may nakatago pang blueprint sa kanilang safehouse sa Filinvest, Quezon City na sinalakay nitong Biyernes.
Sinabi ni Dolina na 16 pang karagdagang blueprints ng Batasan complex ang kanilang nasamsam sa 10 oras na paghahalughog sa lugar, gayundin ang 3 laptop at 11 cellphones. Nangako rin si Bumidang na "ikakanta" ang mga maiimpluwensiyang negosyante at pulitiko na sangkot sa pagpaplano ng kudeta laban sa pamahalaang Arroyo. Ayon kay Dolina, nang isagawa nila ang raid ay naaktuhan nila si Bumidang na sinisisi ang kanyang mga kasamahan sa pagpupumilit na maglunsad ng destabilisasyon laban sa gobyerno.
Ikinokonsidera na gawing state witness si Bumidang pero hindi pinayagan Department of Justice (DOJ) na ipasailalim ito sa Witness Protection Program.
Maliban kay Bumidang, nahuli rin sina Army Capt. Nathaniel Rabonza, 1st Lt. Sonny Sarmiento, 2nd Lts. Angelbert Gay, Aldrin Baldonado at Navy Lt. JG Kiram Sadava.
Kahapon ay isinulong ng DOJ ang kasong illegal possession of firearms at direct assault laban sa anim. Inirekomenda ang piyansang P200,000 para sa kanila. (Joy Cantos/Grace dela Cruz)