Ayon kay National Security Adviser Norberto Gonzales, kapayapaan lang naman umano ang nais ng pamahalaan ngunit halata namang ayaw makipag-ayos ng mga rebelde at gusto lamang nilang maagaw ang kapangyarihan.
Aniya, hindi lamang sa pagpayag na magkaroon ng "ceasefire" ang CPP-NDF ngunit dapat na rin umanong buwagin ang New Peoples Army (NPA) at lumaban ng patas sa gobyerno.
Ibinase ito ni Gonzales sa naging talumpati ni CPP Chair Jose Ma. Sison noong 1994 sa Oslo na ang armadong pakikibaka ng kanyang grupo ang kanya lamang kinikilalang mainam na pakikipaglaban kung saan pangalawa lamang ang peace talks.
Nabatid na humingi ng tulong ang CPP-NDF sa Norway upang muling buksan ang peace talks ngunit sinabi ni Tore Hattrem, director general ng Peace and Reconciliation Bureau of the Norwegian Foreign Ministry na malabong may marating, sakali mang magkaroon ng peacetalks sa pagitan ng mga CPP-NDF at pamahalaan.
Nagduda si Gonzales sa biglaang alok na "peace negotiation" ng mga rebelde makaraang magdeklara ang Pangulo na tuluyan ng pulbusin ang mga rebelde sa bansa. (Ellen Fernando)