Armado ng warrant of arrest ay sinalakay ng Police Anti-Crime and Emergency response (PACER), Army Intelligence Secuirty Group (AISG), PNP-CIDG at QCPD ang hideout ng grupo sa #34 Adler St., Filinvest II, QC dakong 5:30 ng umaga.
Napag-alaman sa ilang residente na ang mala-mansiyong bahay na inuupahan ng mga Magdalo ay dating tinitirhan ni Fr. Andrias Sodarsono, parish priest ng Christ the King Filinvest II.
Sa pagkaaresto ng anim ay napigil ang umanoy planong pambobomba sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Arroyo.
Sa ginanap na press conference sa Phil. Army Headquarters, iniharap nina AFP Chief of Staff Gen. Generoso Senga at PNP Chief Director Gen. Oscar Calderon ang mga nasakoteng sina Capt. Nathaniel Rabonza, 1Lt. Patricio Bumidang Jr., Lt. Sonny Sarmiento, 1st Lt. Angelbert Gay, Lt. Sgt. Kiram Sadava at 1st Lt. Aldrin Baldonado. Naaresto rin ang mga sibilyang sina Betina Balderama, Michael Yangso, Michael Berris, Matthew Ericso Berris at abogado ng Magdalo na si Atty. Jose Christopher Belmonte,
Sa naturang raid ay nasugatan sa paa si Sadava matapos tangkain ng Magdalo na tumakas.
Nakuha mula sa mga suspek ang tatlong M16 rifle, isang Carbine, 8 hand grenade, TNT demolition block, 300 pounds explosives, 3 blasting caps, sari-saring bala at 10 rolyo ng blueprint o mapa ng gusali ng Batasan Complex kaya nabuo ang teorya na plano ng mga itong isabotahe ang SONA ng Pangulo sa darating na Hulyo 24.
Magugunita na sina Sarmiento, Rabonza, Bumidang at ang unang nahuling si Capt. Lawrence San Juan ay tumakas sa custody ng Army noong Enero 17.
Habang sina Gay, Sadava at Baldonado ay nagsipag-AWOL at kabilang rin sa mutineers. Si Belmonte ay nasakote na noon kaasama ni San Juan pero nakalaya matapos magpiyansa.
Karagdagang kasong illegal possession of firearms and explosives ang isasampa sa Magdalo mutineers habang ang mga sibilyan ay kakasuhan ng obstruction of justice at conspiracy to commit rebellion.
Iimbestigahan din ang posibleng ugnayan ng Magdalo at TABAK (Taong Bayan at Kawal) na umako sa serye ng pambobomba sa Metro Manila.
Inatasan na ni Calderon ang PNP Bomb Data Center na alamin kung ang nasamsam na mga eksplosibo sa Magdalo ay kapareho ng ginamit sa serye ng pagpapasabog. (Joy Cantos at Angie Dela Cruz)