Mayaman at mahirap, bata at matanda, maging ang mga halang ang kaluluwa bastat pagdating sa karangalan ng bansa ay nagkaisa upang bigyang suporta ang Pambansang Kamao.
Naging maluwag din ang daloy ng trapiko sa Metro Manila matapos pansamantalang tumigil sa pamamasada ang mga tsuper.
At gaya ng inaasahan ay zero crime rate ang naitala ng Philippine National Police (PNP) sa buong bansa sa mismong araw ng laban at pagwawagi ni Pacquiao.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Vidal Querol, mula alas-9 ng umaga sa pag-uumpisa ng boxing sa Big Dome hanggang alas-4 ng hapon sa pagbubunyi ng sambayang Pilipino ay walang nai-blotter na anumang krimen sa Kamaynilaan at karatig lalawigan.
Aniya, kung kadalasang nairerekord sa Metro Manila ang mga petty crimes tulad ng robbery/holdup, snatching, pandurukot, bag slashing, kahapon ay walang nai-blotter ang mga distrito ng pulisya sa kainitan ng bakbakan ni Pacman kay Larios.
Naging mapayapa rin at walang naganap na anumang uri ng pananabotahe sa Araneta Coliseum na binigyang seguridad ng 300 pulis ng NCRPO at daang mga guwardiya sa Big Dome.
Dalawang beses pinaluhod ni Pacquiao si Larios na nagdala sa una para manalo sa 12th round bout ng WBC International Superfeatherweight match. (Joy Cantos)