Biyahe ni GMA sa Spain agad tinapos para manood ng laban ni Pacquiao

Hindi na umano tinapos ni Pangulong Arroyo ang kanyang state visit sa Spain at nakatakda na itong umuwi ngayong araw upang pangunahan ang sambayanang Pilipino sa pagbibigay suporta at inspirasyon sa gaganaping laban ngayong umaga ni Pinoy boxing champ Manny "Pacman" Pacquiao kay Mexican Oscar Larios.

Ngayong alas-8 ng umaga inaasahang darating ang Pangulo at may dalawang oras pa siyang sapat na panahon para makapagpahinga bago magtungo sa Araneta Coliseum para sa Mano-A-Mano.

Sinabi ni Presidential Chief of Staff Mike Defensor na sakali mang hindi makakapunta ang Pangulo sa Araneta ay tiyak na sa telebisyon nito sasaksihan ang bakbakan at maaaring tawagan na lang niya si Pacquiao bago at pagkatapos ng laban para magbigay ng mensahe.

Tulad ng maraming Pilipino, sabik din ang Pangulo na makita ang laban ng hinahangaang boksingero.

Samantala, wala nang inaasahan pang kaguluhan ngayong araw na ito para sa sagupaan ng dalawang mahusay na boksingero.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Vidal Querol, mas magiging mahigpit ang pagkapkap sa mga manonood at dodoblehin rin ang bilang ng mga security para matiyak ang kaligtasan ng lahat.

Una nang sinabi ni Querol na aabot sa 300 pulis ang ipapakalat sa paligid ng Araneta Center.

Bukod dito, ilang bomb sniffing dogs din ang ikakalat sa big dome bukod sa mga ambulansya sa labas upang umalalay sa mga manonood.

"The entire country will watch the Pacquiao-Larios fight. Our troops will augment the security of the Araneta. It’s all systems go," ani Querol. (Lilia Tolentino/Angie Dela Cruz)

Show comments