‘Gapangan’ sa puwesto ni Lomibao

Pinabulaanan kahapon ng mga opisyal na may nagaganap na ‘lobbying’ sa successor ni outgoing Philippine National Police (PNP) Chief Director General Arturo Lomibao na nakatakda nang magretiro sa darating na Hulyo 5.

Ito ang naging reaksiyon kahapon ni PNP spokesman Sr. Supt. Samuel Pagdilao sa lumabas na mga ulat na nagkakaroon umano ng iringan sa pagitan nina Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno at Lomibao dahil magkaiba ang ibinaback-up nilang kandidato sa Malacañang.

Ang nasabing report ay itinanggi na rin ni Puno at ayon sa kanya, tanging si Pangulong Arroyo lamang ang makakapag-desisyon kung sino ang magiging kapalit ni Lomibao sa puwesto.

Sinabi ni Puno na bagamat pinamumunuan nito ang Napolcom ay tiniyak nitong nasusunod ang prinsipyo ng seniority sa pamimili ng bagong PNP chief.

Base sa naglabasang report, si Puno ay nagla-lobby umano para si P/Deputy Director General Oscar Calderon, Deputy Chief for Administration at No. 2 man ng PNP, ang ipalit kay Lomibao habang ang huli ay si Director General Servando Hizon, chief ng Directorate for Comptrollership naman umano ang pinapaboran.

Sinabi ni Pagdilao na lahat ng mga kandidato para ipalit kay Lomibao ay kuwalipikado sa naturang pinakamataas na puwesto sa PNP.

Kabilang pa sa mga contender sina Deputy Director General Avelino Razon at National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Vidal Querol. (Joy Cantos/Angie dela Cruz)

Show comments