Ang mungkahi ay kasunod ng pagtanggi ni Comelec Chairman Benjamin Abalos na magbitiw sa kanyang puwesto.
Ipinaliwanag ni Pimentel na hanggat nananatili sa Comelec si Abalos ay hindi mawawala ang duda ng taumbayan na muling magkaroon ng dayaan sa darating na eleksiyon dahil si Abalos ay pinaniniwalaang nakipagsabwatan sa Malacañang at kay dating Comelec Commissioner Virgilio Garcillano.
Ani Pimentel, dapat na italaga ang isang kinatawan ng oposisyon para manumbalik ang kredibilidad ng Comelec na nawala noong panahon ng Hello Garci tape.
Wika pa nito, maging ang rekomendasyon ni retired Chief Justice Hilario Davide bilang presidential adviser on electoral reforms na balasahin ang Comelec ay hindi pa rin ipinatutupad ng Palasyo at kung walang makitang reporma ay mananatili ang duda na magkakaroon ng dayaan.
Noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, itinalaga nito si Ramon Felipe batay sa rekomendasyon ng oposisyon kung saan nagbunga ito ng 50 kasapi ng oposisyon para maluklok sa Batasang Pambansa noong 1984. (Rudy Andal)