Tinanggap ni House secretary-general Roberto Nazareno ang reklamo mula kay Yniguez na inendorso naman ni Akbayan Rep. Loretta Ann Rosales.
Kapareho lamang ang nilalaman ng reklamo sa impeachment complaint na inihain noong Lunes ng grupo ni Zenaida "Nini" Quezon-Avanceña, anak ni dating Pangulong Manuel L. Quezon at dating vice-president Teofisto Guingona noong Martes.
Kabilang dito ang betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution at graft and corruption.
Binanggit din ang paggamit umano ni Arroyo ng dictatorial powers upang supilin ang karapatan ng mga mamamayan na magsalita, mag-assembly at malayang pamamahayag. Inireklamo rin ang patuloy na pagpatay sa mga miyembro ng militanteng grupo na isinisisi sa administrasyong Arroyo.
Naniniwala si Rosales na dahil sa sunud-sunod na paghahain ng impeachment complaint laban sa Pangulo, mapipilitan ang mga maka-administrasyong kongresista na suportahan ito.
Kailangan ng oposisyon na makakuha ng 78 lagda ng mga kongresista upang mabilis na maiakyat ang reklamo sa Senado na tatayong impeachment court sa paglilitis.
Inaasahang may mga impeachment complaint pang ihahain ang oposisyon na naglalaman ng kaparehong reklamo laban sa Pangulo upang masiguradong hindi ito mababasura dahil sa teknikalidad kung saan puwedeng kuwestiyunin kung kailan talaga dapat magtapos ang one-year ban sa paghahain ng panibagong impeachment complaint. (Malou Escudero)