Wage board handa sa apela ng manggagawa

Nakahanda ang Regional Wage Board ng National Capital Region sa isasampang apela ng mga manggagawa kaugnay sa inaprubahan nilang P25 wage increase sa Kamaynilaan.

Sinabi ni Ricardo Martinez, chairman ng regional wage board sa NCR, bibigyan nila ng pagkakataon ang mga manggagawa gayundin ang mga employer upang umapela sa Regional Tripartite Wage and Productivity Board bago magkabisa ang inaprubahang karagdagang P25 sa minimum wage sa July 11 kaya magiging P350 na ang minimum wage sa Kamaynilaan mula sa dating P325.

Hindi naman katanggap-tanggap sa Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ang inaprubahang P25 na dagdag sa minimum wage dahil sa malaking gastusin sa kasalukuyan.

Anila, patuloy nilang isasampa ang P75 na wage increase para makasapat daw sa araw-araw na gastusin ng mga mahihirap na manggagawa. (Gemma Garcia/Angie dela Cruz)

Show comments