Ito ang ibinulgar kahapon ni dating Makati Vice Mayor Bobby Brillantes na nagsabing ang mga miyembro ng "forgery team" ay umiikot sa mga bara-barangay sa Makati para himukin at bayaran ang mga residente na pumirma sa affidavits of retraction sa Peoples Initiative.
Sinabi ni Brillantes, convenor ng Peoples Advocate for Charter Change, na ilang concerned citizen ang nagsabi sa kanya na may mga tao umano si Mayor Jejomar Binay na nag-alok sa kanila ng P150 hanggang P250 para pumirma sa affidavits na binabawi nila ang kanilang mga lagda na sumusuporta sa PI.
Ang isa pa umanong ginagawa ng "forgery team" ay ang gumawa ng affidavits of retraction na naglalaman ng mga pekeng pangalan, mga patay at di mga rehistradong botante ng Makati.
Ayon pa kay Brillantes, base sa mga pirmang nakalap ng Charter Change volunteers sa lungsod, ang PI ay nakatanggap ng suporta na 14% ng kabuuang bilang ng rehistradong botante sa unang distrito ng Makati at halos 10% naman sa ikalawang distrito.
Una rito ay ibinunyag ni Brillantes ang pagbuo ni Binay ng "private army" mula sa mga piling tauhan ng Makati Public Safety (MAPSA) para takutin umano ang mga residenteng sumusuporta sa Chacha.