Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Generoso Senga, isasabak ang tropa ng Armys 3rd, 4th at 9th Infantry Battalion (IB) at maliban sa 1,500 tropa galing Mindanao ay nakatakda pang mag-deploy ng karagdagang 3,000 sundalo o kabuuang anim na batalyon para mapabilis ang paglipol sa mga rebelde.
Sa kanyang talumpati sa tropa ng militar, sinabi ni Pangulong Arroyo na marami na ang nagrereklamong mga negosyante sa pagiging ganid ng mga NPA na nangingikil ng malaking halaga at kung hindi ay isasabotahe ang kanilang mga negosyo.
Tiniyak naman ni Senga na hindi lamang ang mga negosyante ang bibigyan ng proteksiyon kundi maging ang mga mahihirap na residente na hindi rin pinaliligtas ng pangongotong ng mga rebelde.
Magugunita na nagpalabas ng P1 bilyong pondo si Pangulong Arroyo para tapusin na ang may 37-taong communist insurgency sa loob ng dalawang taon.
Sa tala, ang NPA rebels ay nasangkot sa serye ng panununog sa Globe Telecoms Inc., mga bus, heavy equipment, at iba pa na nagbubunsod sa mga negosyante na mapuwersang magbayad sa mga ito ng revolutionary tax. (Joy Cantos)