Pista ng mga ‘baliw’ pinabubura ng Simbahan

Pinabubura ngayon ng Simbahang Katoliko ang pagdiriwang ng kaisa-isahang pista ng may mga sira sa ulo o ang "Baliw-Baliw Festival" ng lalawigan ng Cebu dahil mistulang pag-insulto umano ito sa santong si San Vicente na pinag-aalayan ng pagdiriwang.

Sinabi ni Fr. Elmer Colina, kura paroko ng bayan ng Sta. Rosa, Cebu, kabastusan ang ipinapakita sa ilang bahagi ng ritwal na nakakainsulto sa imahe ng naturang Santo.

Hindi matukoy ng Simbahan kung kailan unang isinagawa ang naturang pagdiriwang sa Brgy. San Vicente. Ngunit naniniwala umano ang mga deboto na ang pagiging baliw ang parusa sa isang tao na may ginawang kasalanan sa kalikasan at sa mga misteryosong nilikha na nangangalaga nito.

Nitong nakaraang selebrasyon noong Mayo 22, dinaluhan ng karamihang mga lalaki ang pagdiriwang na nagbihis babae at nagpanggap na mga buntis. Isa pa sa mga ito ang nagpakita na nakasabit ang isang makina sa pagitan ng kanyang mga hita.

Nabatid rin na pinagsasabong ang mga manok at kuting sa ibabaw ng dagat habang hinihintay ang pagdating ng imahe ni San Vicente sakay ng isang bangka. Isang bangka rin ang sinunog upang ialay umano sa Santo. Nag-aalay rin ang mga residente ng mga basket na hindi pagkain ang laman ngunit puno ng napakahabang dumi ng hayop.

Ayon umano sa mga residente, matagal na nilang ginagawa ang naturang pagdiriwang upang hindi umano sila parusahan ng kalikasan. Nangangamba naman ang mga residente na tuluyan na silang magkakasakit dahil sa ginagawang pagbura ng Simbahan sa naturang okasyon.

Una na umanong tinanggal ng Simbahan ang isang simbolo ng lalaki na kumakaway sa mga tao gayundin ang isang imahe na nagpapakita ng "sex organ" ng isang babae na dapat ay magtatagpo sa gitna ng dagat. Tinanggal rin ang pagtatanim ng puno ng niyog sa dagat.

Hindi na rin pinapayagan ng Simbahan ngayon ang pag-aalay ng sayaw ng mga lalaki na nakasuot lang ng "brief" habang iniikutan ang imahe ni San Vicente sa loob mismo ng kanilang chapel habang inihahagis ang mga dumi ng hayop sa paligid.

Sinabi ni Colina na plano nilang tanggalin na ang naturang pagdiriwang ng unti-unti sa pamamagitan ng pagbabawal sa mga bahagi ng ritwal na tingin nila ay bastos. Binibigyan na rin umano nila ng edukasyon ang mga residente ukol sa mga gawain ng mga pagano at gawing mas Katoliko ang naturang pista para kay San Vicente.

Tinuligsa rin ni Colina ang kawalan ng kakayahan ng lokal na pamahalaan ng tanggalin ang naturang pagdiriwang dahil sa potensyal umano nito sa turismo na maaring magdala ng malaking kita sa kaban ng bayan. (Danilo Garcia)

Show comments