More bombings! — Gonzales

Nagbabala si National Security Adviser Norberto Gonzales na marami pang pagpapasabog ang magaganap na ang layunin ay ibagsak sa kapangyarihan si Pangulong Arroyo.

Sa pahayag ni Gonzales sa panayam ng ANC News, ang mga pagpapasabog ay tatagal hanggang Hulyo at posible pang sundan ng mga assassination plots.

Anya, bagaman hindi pa nahuhubaran ng mga awtoridad ang "utak" sa likod ng mga pambobomba, may pinagdududahan na silang grupo na nasa likod ng anim na bombings sa Metro Manila at Pampanga.

Una nang sinabi ni Gonzales na posibleng mga puganteng rebel junior officers ang responsable sa bombings.

Ayon dito, nabigo ang grupo na makakuha ng suporta sa publiko kaya ibinaling ang kanilang operasyon sa pambobomba upang "magpapansin."

Sinabi rin ni Gonzales na maaari ring ang mga kasamahan ng naarestong Magdalo leader na si 1st Lt. Lawrence San Juan ang grupong "Taong Bayan at Kawal" o TABAK.

Ang TABAK ang umako sa pambobomba sa Grepalife building sa Makati, sa bahay ni Mayor Dennis Pineda sa Pampanga at sa tatlong pagpapasabog sa Metro Manila, kabilang ang National Capital Region Police Office (NCRPO) headquarters sa Camp Bagong Diwa.

Patuloy pa ring hinahanting ang Magdalo officers na sina Capt. Nathaniel Rabonza at 1st Lieutenants Sony Sarmiento, Patricio Bumindang matapos tumakas mula sa Philippine Army’s detention facility sa Fort Bonifacio noong Enero 17.

Si San Juan ay nadakip sa isang raid sa Padre Burgos, Batangas noong Pebrero 21.

Matapos ang naturang pagpuga, tinawag ng mga rebeldeng sundalo ang kanilang mga sarili bilang Makabayang Kawal ng Pilipinas.

Gayunman, nilinaw ng militar na wala pa itong ebidensiya na nag-uugnay sa mga puganteng junior officers sa mga nagaganap na pambobomba.

Show comments