Ito ang naging sagot kahapon ng pamunuan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) hinggil sa reklamo ng "swapping" o pagpapalit ng bangkay ng dalawang OFW na kapwa dumating sa bansa kamakailan
Ayon kay OWWA Administrator Marianito Roque, walang sinuman ang may gusto na magpalitan ang bangkay nina Felix Reynard Llorando ng Legaspi City at Abel Monterola ng Davao City.
Ang dalawa ay namatay sa Riyadh, Saudi Arabia noong Peb. 27, 2006 matapos pagbabarilin ang sinasakyang shuttle bus habang patungo sa kanilang trabaho.
Sinabi ni Roque na sa Riyadh pa lamang ay nagkamali na sa paglalagay sa wooden casket ang bangkay ng dalawa kaya wala umanong dapat sisihin sa nangyari dahil wala namang may gusto nito.
Sinasabing pagdating ng labi ni Llorando ay kaagad na idineretso sa Lingnon Hill Memorial chapel sa Bgy. Bogtong, Legazpi City para isaayos ngunit pagbukas ng ataul ay laking gulat ng kanyang pamilya ng mabatid na ibang tao ang kanilang iniiyakan. Dahil dito kaya nagreklamo ang pamilya ni Llorando.
Dito nabatid na napunta ang bangkay ni Llorando sa pamilya ni Monterola habang si Monterola ay napunta sa pamilya ni Llorando. (Mer Layson)