Residente ‘di na natutulog

Hindi na umano nakakatulog ang mga residente malapit sa Mt. Bulusan sa Sorsogon at lahat ay nagbabantay sa takot na matabunan sila ng buhay ng kumukulong magma sakaling bigla itong sumabog.

Muling nagbuga ng makapal na abo ang bulkan kahapon ng madaling araw at nababahala ang mga residente na isang major eruption na ang kasunod nito dahilan para maghanda sila sa posibleng paglikas.

Sa monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), nakapagtala na sila ng 6 ash explosions kung saan anim na barangay na ang apektado.

Ang abo na niluluwa ng bulkan na may taas na 1 kilometro ay bumagsak sa mga karatig barangay ng San Isidro, Sta. Barbara, Buang at Purog sa bayan ng Bulusan, at barangay Escuala at Lagadian sa bayan ng Casiguran dahilan para maghanda sa paglikas ang libong residente. Kinansela na rin ang klase sa mga eskwelahan malapit dito.

Bagamat may naitalang ash explosion, wala namang naitalang volcanic earthquake sa nakalipas na 24 oras.

Patuloy namang nasa alert level 2 ang bulkan na nangangahulugang bawal pumasok ang sinuman sa 4-kilometer permanent danger zone.

Kamakalawa ay idineklara na ang state of calamity sa Casiguran kasunod nang pagkamatay ng isang lalaki matapos makalanghap ng abo.

Nakikipag-ugnayan na ang lokal na pamahalaan sa Departmet of Health (DOH) para sa pamamahagi ng dust mask sa mga residente, gayundin ay nanawagan ang mga opisyal sa lalawigan ng tulong na pagkain, gamot at iba pang relief assistance.

Pinayuhan na rin ang mga residente na maging handa ano mang oras dahil sa posibilidad na sumabog ang Bulusan.

Ang Bulusan ay may 15 recorded eruptions, ang latest ay noong November 1994. (Angie Dela Cruz at Ed Casulla)

Show comments