Sa order ni Ombudsman Ma. Merceditas Gutierrez, sinuspinde si Rodrigo "Rico" C. Pedrealba, Immigration Officer II, nakatalaga sa NAIA-Terminal I dahil sa umano’y grave misconduct at dishonesty.
Sa inihaing Statement of Assets and Liabilities Networth (SALN) ni Pedrealba, mula 1996-2004, tanging ang isang sasakyan at tatlong real-properties lamang ang idinedeklara nito, subalit lumalabas sa pagsisiyasat ng National Bureau of Investigation (NBI na nakabili si Pedrealba ng anim na magagarang sasakyan at cash umanong binili ng nasabing opisyal.
Maliban sa anim na nasabing sasakyan ay nakabili rin umano si Pedrealba ng tatlo pang luxury vehicles, magarang house and lot sa isang exclusive subdivision sa Quezon City at ilang ektarya ng lupa sa Bulacan kung saan ang mga ito ay ipinangalan sa kanyang ama at mga kapatid. Labing-dalawang beses na rin umanong lumabas ng bansa si Pedrealba simula 996 kung saan ang dalawang beses dito ay kasama ang kanyang kapatid.
Ang milyon-milyong assets, ayon sa Ombudsman ay hindi kayang maipatayo at mabili ng isang Immigration Officer II na may sahod na P13,393 lamang kada buwan.Dahil dito’y kinasuhan si Pedrealba ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at takdang kunin ng gobyerno ang nakulimbat nitong yaman. (Grace dela Cruz/Angie dela Cruz)