Villar, uupong Senate president sa Hulyo

Siniguro kahapon ni Senate President Pro-Tempore Juan Flavier na nakakasa na sa pagiging pangulo ng Senado si Sen. Manuel Villar Jr. matapos na magpaikot na ito ng isang resolusyon na nagtatalaga sa kanya bilang Senate president sa pagbubukas ng 3rd regular session ng Senado sa July 24.

Sinabi ni Sen. Flavier na ang resolusyon ay bilang bahagi ng proseso sa pagsalin ng kapangyarihan at batay na rin sa term-sharing agreement nina Villar at Senate President Franklin Drilon.

Ayon kay Flavier, bukod sa kanya, ang natatandaan niyang pumirma sa resolusyon ay sina Senators Francis Pangilinan, Joker Arroyo, Lito Lapid, Villar, Alfredo Lim, Ralph Recto at Pia Cayetano.

Idinagdag pa nito na nililigawan pa ni Villar sina Sen. Loi Ejercito Estrada at anak na si Sen. Jinggoy bukod pa sa tiyak na pagpirma naman ni Drilon.

Sinabi naman ni Sen. Juan Ponce Enrile, na pipirma siya kapag nakakuha na ng 12 lagda dahil ang nais niya ay pang-labintatlo siyang pipirma sa resolusyon.

Naniniwala rin si Flavier na baka mahigit pa sa 13 pirma ang makukuha ni Villar dahil na rin sa pagiging malapit nito sa magkabilang partido.

Malakas din ang kutob ni Flavier na si Villar na ang makikitang nakaupo katabi si Pang. Gloria Arroyo sa kanyang State of the Nation Address sa Hulyo 24. (Rudy Andal)

Show comments