Sinalubong ni Pangulong Arroyo at ilang opisyal ng gobyerno ang mga evacuees na lumapag sa Villamor Air Base sakay ng PAF C-130 dakong alas-2 ng hapon.
Sabi ni Arroyo, ang evacuation ay ipinatupad matapos na mapag-aralan ni Ambassador Roy Cimatu na lubhang mapanganib ang pananatili ng mga Filipino sa East Timor dahil sa civil war sa pagitan ng mga rebeldeng dismissed soldiers at mga sundalong nasa panig ng Timorese government.
Sumiklab ang karahasan sa East Timor noong Martes sa Dili at iniulat na may 20 katao ang namatay at inaasahan pang tataas ang bilang.
Samantala, marami naman ang sugatan, kasama ang Pinoy na si PNP Chief Insp. Edgar Layon, 45, na nagsisilbing adviser ng United Nations office.
Napag-alamang karamihan sa mga OFWs na nagtatrabaho sa nasabing bansa ay mga abogado, guro, tagapagsnay, inhinyero, accountant, construction workers, religious missionaries at domestic helpers.
Ang East Timor, na napagtagumpayan ang kanilang pagiging independiyente mula sa Indonesia noong 1999 ay tinatayang nasa 1,500 km South of Mindanao at matatagpuan sa may 320 km north-northwest ng Australia at eastern end ng Indonesian archipelago.
Samantala, pinayuhan ng DFA ang mga Filipino na huwag magtungo sa Timor Leste o East Timor kasunod ng unang yugto ng pagsalakay ng mga rebeldeng Timorese laban sa mga sibilyan at tropa ng gobyerno.
Hiniling din ng DFA sa mga Pinoy na naninirahan sa nasabing poor country na manatili sa loob ng kanilang tahanan at manatiling makipag-ugnayan sa embahada para sa iba pang payo. (Butch Quejada)