Sa ginawang pagsasaliksik ng PSN, lumalabas na sa mga miyembro ng kasalukuyang 13th Congress, si Masbate Rep. Emilio Espinosa Jr., ang pinaka-unang naging mambabatas sa kanila na naging congressman noong 4th Congress pa o 1958.
Bagaman at hindi siya ang pinaka-matandang mambabatas ngayong 13th Congress, dahil hawak ni Negros Oriental Rep. Herminio Teves ang nasabing record na 86 taong gulang na, si Espinosa naman ang masasabing pinaka-matanda kung ang pagbabatayan ay ang taon ng pagpasok nila sa Kongreso.
Si Espinosa ay ipinanganak noong Dis. 23, 1922 samantalang si Teves ay noong April 20, 1920.
Nakasabay pa ni Espinosa noong 4th Congress ang mga yumao nang sina dating Pangulong Ferdinand Marcos, Rep. Ramon P. Mitra na ama ni dating Speaker Ramon V. Mitra na patay na rin. Si Ramon ang ama naman ng kasalukuyang kinatawan ng Palawan na si Rep. Abraham Kahlil B. Mitra.
Bagaman at patuloy na isinusulong sa Kongreso ang batas na nagbabawal sa political dynasty, mapapansin na karamihan sa mga mambabatas ngayong 13th Congress ay anak, kapatid, asawa, o apo ng mga dating congressman.
Kabilang na dito sina Ilocos Norte Rep. Imee Marcos, Tarlac Rep. Noynoy Aquino, Camarines Sur Rep. Arnulfo Fuentebella, Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, Bukidnon Rep. Juan Miguel Zubiri, Batanes Rep. Henedia Abad, South Cotabato Rep. Darlene Antonino-Custodio at iba pa.
Maliban pa sa 4th Congress, naging miyembro rin si Espinosa ng 5th Congress, 7th Congress, 11th Congress, 12th Congress at 13th Congress.
Naging miyembro rin ng Kongreso ang dalawang kapatid ni Espinosa na sina Rep. Moises Espinosa na napaslang noong 1989 at Tito Espinosa na namatay noong 1992.
Kabilang rin si House Speaker Jose de Venecia sa mga matatagal nang mambabatas sa Kongreso dahil naging miyembro ito noong 7th, 8th, 9th, 10th, 12th, at 13th Congress.
Isa pang congressman ang tinuturing na batikan sa Kamara, si Albay Rep. Carlos Imperial na miyembro pa ng Kongreso mula noong 6th, 7th, Interim Batasang Pambansa, 9th, 10th, 12th, at 13th Congress.