Ayon kay Philippne Coast Guard (PCG) commandant Rear Admiral Arthur Gosingan, naglakad lamang pababa mula sa base camp ng Everest na may 17,500 feet ang taas, ang grupo ng First Philippine Mt. Everest Expedition team kaya nagtagal sa kanilang pagbabalik sa Pilipinas.
Sinabi ni Gosingan, ginawa pa rin ng grupo nina Oracion at Emata ang tradisyunal na pagbaba ng bundok para pasalamatan ang lahat ng tao at lugar na kanilang dinaanan kaya matagumpay na narating ang summit.
Hindi umano tulad ni Romi Garduce, ang ikatlong Pinoy na nakarating sa tuktok ng Everest, na kaya mabilis na nakababa ng bundok at nakauwi agad ng Pilipinas ay dahil sumakay umano ito ng helicopter.
Sinabi naman ni Lt. Commander Joseph Coyme, tagapagsalita ng PCG, na handa na ang heroes welcome at victory party sa grupo nina Oracion at Emata na kapwa draftee ng Coast Guard.
Bibigyan din ng promotion ang PCG ang mga tauhan nilang kabilang sa First Philippine Mt. Everest Expedition team.
Nakatakda namang bumuo ang PCG ng isang "special rescue team" na awtomatikong miyembro ang grupo nina Oracion at Emata.
Anang PCG, sa oras na magkaroon ng hindi inaasahang sakuna sa bansa sa ibabaw ng matataas na bundok ay unang magreresponde ang bubuuing special rescue team. (Mer Layson)